Sakto lang!

March 2nd, 2010

Pagkatapos kumain ng chakang cheeseburger, nakipagkwentuhan saglit sa nanay at dali-dali nang pumasok sa kwarto. Binuksan ang computer. Kahit pa masakit na ang mga mata at mabigat na ang ulo sa pagharap sa computer sa opisina maghapon.

Ito ang buhay ko gabi-gabi.  How about you, my friend?

Facebook – Gmail – Twitter – Multiply – YM - Friendster (?) – GMANews.TV (plugging :D ), etc. etc.

Isang araw, nagulat na lang ako na bahagi na pala ng araw-araw na kwentuhan ang latest happenings sa Facebook. Akalain mo ‘yun!

Na-tag mo na ba ang mga friendships mo sa iyong photo album? Nakapag-comment ka na ba sa status niya? Ni-like mo na ba ang link na ipinost ng crush mo?

Ano kayang magandang ilagay na profile picture? Dapat ‘yung astig, kakaiba. Dapat maganda.

Hindi ka ba mapakali at halos hindi makatulog kung anong ilalagay mong status update na paniguradong ila-like ng marami at marami ring magco-comment? Dapat kontrobersyal, ‘yung tipong mag-iisip sila kung anong ibig sabihin nun. O ‘di kaya, ‘yung tipong ta-tumbling sila dahil kung hindi corny eh talaga nga namang nakakatawa ang status mo. In fairnezzzz…

Minsan naman, trip mo ang mga quotable quotes. Pwede ring linya sa huling kantang napakinggan mo (LSS kumbaga) o kaya gusto mong magbigay ng inspirasyon, kaya Bible verse naman ang nilalagay mo.

Kumusta na ang farm? Nakapag-”harvest” ka na ba?

Nakapag-bake ka na ba (Café World)? Sino na ba ang na-”hit” mo sa Food Fight? Sa Pillow Fight?

Naging fan ka na ba ng “Badtrip ako sa mga guard na pabubukas pa ung bag, tutusukin lang naman!?” o ng “I love my mom?” Fan ka na rin ba ni Lilia Cuntapay?

Nai-link mo na ba ang latest, hottest videos sa YouTube sa wall mo? Nasagutan mo na ba ang latest quiz sa Quiz Creator? O ang mga usong tanong sa Friends Exposed at Quiz Planet?

Haaayyy. Sangkatutak na applications. Nakakahilo. Sorry sa mga nag-iinvite, pero sinasadya kong hindi i-accept ang mga imbitasyon. Ini-ignore ko lang talaga. Wala talaga akong oras para rito.

Tanging sa pagco-comment at pagla-like lang ako guilty. Pati na rin sa pagpo-post ng videos, photos at iba pang links. Paano pa kaya kung adik din ako sa mga applications? May itutulog pa kaya ako?

Nitong mga nakakaraang linggo, aminado akong medyo tinamad na rin akong mag-update. Ewan ko ba kung bakit. Siguro dahil may mga nakaka-frustrate lang na nakita at nalaman.

Mas enjoy ko talaga ngayon ang mag-twit sa Twitter! Mabilis kasi at saka kahit one-liner lang, nasabi mo na ang gusto mong sabihin. ‘Yun nga lang, kakaunti pa lang sa mga kaibigan ko ang nagtu-twit. Pero okay lang, masaya pa rin naman. Nagiging updated sa latest news at kung anu-ano ang pinagkakaabalahan ng mga sikat na tao. Fina-”follow” mo na ba ako?

Nami-miss ko na ring ka-chat sa Gmail at YM ang ilang kaibigan, lalo na silang nasa abroad. Busy rin sila, wala ng panahon, paminsan-minsan na lang. Simula’t sapul pa naman, hindi talaga ako mahilig mag-chat. Mas gusto ko pa rin ang personal na pakikipag-chikahan. Pero dahil nga karamihan ng barkada ko ay nasa abroad, heto lang ang paraan para madalas akong makakabalita sa kanila.

Hindi ko naman nila-log off ang Yahoo Mail ko, kaya automatic na (tama ba?) na nakalog-in ako sa chat thru mail. Kaya magparamdam ka lang. :)

Okay, okay. Gaya n’yo ay aminado akong nakalimutan ko na rin ang Friendster. Nawala na talaga sa sistema. Kahit pa sa kanya nagsimula ang lahat. Paminsan-minsan ay binubuksan pa rin, hindi na nga lang nag-a-update. Pero, iba talaga ang interface ng Facebook. Ang gulo-gulo na kasing tingnan ni Friendster. Masakit sa mata.

Medyo nalulungkot ako kasi pati Multiply, nakalimutan ko na rin. Doon pa naman ako madalas mag-blog at mag-post ng mga litrato. Pero magsusulat pa rin ako doon. Pangatlo pa rin iyon sa listahan ko (siyempre una ang Facebook, pangalawa ang Twitter).

Mabalik tayo sa realidad. Nahalikan mo na ba ang nanay o tatay mo at nasabihang good night, kasi ikaw magpupuyat ka pa at uumagahin?

Kailan ka ba huling nakipag-kwentuhan sa kapatid mo? Pagdating mo ba ng bahay ay agad-agad ka nang uma-”amen” sa computer?

Nakakatulog ka pa ba ng maayos? Nakakakain ka pa ba sa tamang oras? Kumusta ang trabaho?

May oras ka pa ba para sa Kanya, sa anak mo, sa asawa mo, sa mga kaibigan mo? O ang mga ‘virtual’ friends mo lang ang palagi mong kasama?

Pasensiya na kung nagpapaka-seryoso ako. Pero baka naman totoo ang mga sinabi ko. Itinatanong ko rin ito sa sarili ko ngayon.

Peace tayo, ha.

Kaya, ‘wag maging adik. Ika nga, sakto lang. Baka nakakalimutan mo na ang mga bagay na mas mahalaga.

O s’ya, iche-check ko pa ang profile ng crush ko. Hahaha. Kaloka.

:)

i LiKe!

January 27th, 2010

Nami-miss ko nang magbasa ng libro na may maliit na lampshade na nagbibigay ng kakaunting liwanag (kaya lumabo ang mga mata ko).

Nakakamiss na ring kumain sa tapsilogan sa riles ng Malolos. Sa weekend kaya makakabalik ako dun ulit?

Super miss ko na rin mag-fishball. Kapag naman kasi may nag-aaya, hindi ako pwede.

Nakaka-miss nang humiga sa damuhan at mamangha sa ganda ng kalangitan!

Gusto kong gawin ulit ang mga ito. Ang tanong, kailan? Kailan ba may oras?

Kailangang gawan ng paraan. :)

Ngingiti pa rin (kahit suuper badtrip!)

January 20th, 2010

Miyerkules.

Gusto kong isa-isahin ko ang mga negatibo at positibong bagay na nangyari ngayong araw na ito.

NEGATIVE (-)

1. Nakaalis ng bahay kaninang umaga, minutes before 9. 10 a.m. ang pasok ko. Naghintay pa ng tricycle.
2. Pagtawid sa sakayan paluwas ng Maynila, hanggang MRT-North Ave. lang (na naman!) ang van. Wala ng choice kung hindi sumakay dahil mapupuno na. Wala ring nagdadaang aircon bus na biyaheng Cubao o Pasay.
3. Pagbaba ng MRT, sakay agad ng bus. ‘Yun pala, saksakan ng init sa loob. Hindi mo maramdaman ang lamig. Nagtiis na lang.
4. Office: intermittent internet connection. Aksaya sa oras ang kabagalan.
5. As usual, may delays pa rin san inire-request kong mga dokumento mula Mindanao. Dapat babayaran ko na ‘yun. Haaayy basta. Kasama iyon sa things to do ngayong linggo. Mukhang hindi ko na magagawa.
6. Isa pang delayed (super!) ang nire-request kong dokumento ng isang public official sa Bulacan. Hindi ko alam kung anong nagiging dahilan para hindi pa nila i-release iyon. Ang nakakainis, October last year ko pa ni-request. Hindi ko alam kung may balak pa silang ibigay sa akin ‘yun. Pero, hindi ko sila tatantanan!
7. Hindi masarap ang pasta na binili sa canteen. Kakaunti pa ang serving.
8. Napakahirap mag-dial ng celfone number sa mga telepono sa opisina. Hindi ko alam kung bakit. Kapag natawagan mo na ang tao, hindi ka naman niya maintindihan dahil “choppy.” Hay basta malabo ang linya. Sa inis, ite-text mo na lang siya o tatawagan gamit ang sarili mong celfone.
9. P40 na lang ang load. Matagal-tagal pa rin ang katapusan ng buwan kung kailan maglo-load ulit para sa opisina.
10. Kung bakit naman kasi may ganitong ‘season’ ang mga babae, nasungitan ko yata si Tony nung tumawag siya samantalang pagkatapos niyang manghingi ng stats ay kinumusta niya kung nakapagpatingin na ako sa mata. Waaahh! Sorry, Tony. Didn’t mean it. Lab yah!
11. Offline ang ATM sa canteen. Tumawid sa kabilang kalsada para mag-withdraw.
12. Pagdating sa sakayan, marami pang kulang sa van. Naghintay ako ng bus, walang dumating. Walang choice kung hindi sumakay sa van na iyon na pinaka-ayaw ko dahil malamok at may surot! (totoo, hindi ba Anjo?)
13. Nandun na naman ang pasaway na barker. May pinaupong iba sa unahan ng van samantalang nauna akong dumating at nagsabing doon ako uupo. Kay tagal naghintay para sa iisang pasahero na magpupuno. Nakaalis, 8:20 na yata.
14. Nangati ang mukha, likod at paa habang pauwi. Eeeewww talaga (arte!)

POSITIVE (+)

1. Nakarating ng opisina, minutes before 10. In short, hindi na-late.
2. Dahil birthday ni Jake, may dalang pizza si Ma’am. Yum yum.
3. Dinaanan ako ni Crizzy sa opisina. Sa wakas, nakapag-kwentuhan na kami ulit kahit saglit lang.
4. Nakahabol sa bible study. Ang lesson, the woman who FEARS the Lord. Whew!
5. Since nasa conference room kami ng canteen habang nagba-bible study, nakita ko sa salamin na nagdaan ang crush ko. HAHAHA!
6. Walang tigil sa pagpapadala ng mga picture ng mga kandidato si Ayi dahil kailangan ko rin ang mga iyon. Salamat, Ayi!
7. Nagpa-cake si Ate Ka. Yum yum ulit.
8. Nakausap si Sheila sa cr, kahit saglit lang. Miss ko na ang mga kakoro.
9. Nakasabay mag-withdraw sina Alex at Ate Ivy. Sa wakas, naka-chikahan ko sila ulit kahit saglit na saglit lang din. Hay, choir!
10. Ligtas na nakarating ng Bulacan at sobrang bilis! Naniwalang bago mag-alas-nuwebe, makakarating ng bahay.
11. Nakarating ng bahay, 8:55. Dahil wala pang alas-nuwebe, P20 pa lang ang ibinayad sa tricycle. Kung alas-nuwebe na kasi, P30 na. Amazing.
12. Natawa sa video na pinost ni Mark sa Facebook wall ko. Nawala ng tuluyan ang pagka-badtrip.
13. Masayang inuubos ang hopia ube ni Jep.
14. Nagpapasalamat sa biyaya ng internet at dahil dito, nai-post ko ito.

Haaay. Sobrang bait talaga ni Lord.

Wala na akong masasabi pa.

Woohoo-hoo!

miss na miss

January 15th, 2010

2010 na! (yeah, right…)

Gusto ko na ulit magsulat.

Kailan kaya? Paano magsisimula?

Kailangan ko ng motivation.

Handa na ako ulit. Parang batang paslit na excited sa mumunting kendi.

Woohoo. Hoo.

Abangan.

Thank God it’s Sunday!

November 8th, 2009

Yeah, I wasn’t able to wake up early to sing with the 8:00 am service worship team. Honestly, I wasn’t also comfortable singing with the team considering that I failed to attend the practice yesterday due to migraine (though they actually asked me to still sing with them even without practice). Sorry, guys. Bawi na lang ako next Saturday, God-willing.

10:00 am service: I was really moved with the praise and worship and with the preaching, too. The sermon was about God’s promises (Scripture text is from Joshua 21:43-45). Pastor Erick shared six characteristics of God’s promises:

1. SPECIFIC (Joshua 1:3-4)
2. GENERATIONAL (Psalm 112:1-2)
3. ETERNAL (John 3:16; Ephesians 3:20)
4. SECURE (Psalm 16:5)
5. DEFINITE
6. CONDITIONAL (Deuteronomy 28:1-2)

One thought that struck me was this: God gives us more than we bargained for. Isn’t that amazing?

At the end of the service, I had little conversations with friends and some churchmates. It was great to see Sugar after several weeks. Kuya Bong also asked Ate Nanz, Ate Eds and I if we can volunteer at the registration for the workshop to be sponsored by the Kids Church which is about to start next week. It was designed to reach out primarily to residents of Golden Ville subdivision. We said yes and decided to eat lunch first.

The single ladies – Ate Nanz, Ate Eds, Pam, Sugar and I (with Mama) headed to Cabana Grill. No rice for lunch, though. As always, we had fun while eating! Of course, kasama si Mama na makulit, and there was the ever-hyperactive Pam. Loved the cheese sticks and the dip. The mojos were just good and so was the pancit. Though it wasn’t that outstanding, I loved the nachos. Actually it was the veggies and other spices which tasted really great. Little did we realize that it’s gonna be a treat from Ate Eds. Thanks, Ate!

Pam, Ate Eds, Ate Nanz and I walked on our way to the church’s office at the clubhouse for the registration. Mama and Sugar went home.

The FUN continued at the registration. It wasn’t that busy as it was last week during the first day I suppose. We entertained (did we?:D) every parent and kid who arrived to register for english proficiency, taekwondo and voice lessons (registration for guitar lessons already ended last week I think due to limited slots).

Laughter, laughter and more laughter followed. I’ll definitely miss Pam once she concentrates on the church plant in Baliuag. I hope she’ll also have a “social networking life” soon. :)

After the coffee break, Kuya Noel called it a day minutes before four in the afternoon.

Ate Nanz and I visited Tin who got sick from work yesterday. Glad that she’s doing fine now. We chatted for almost three hours. Nabitin pa nga ako. It was getting late, so we had to go home.

Today, I thank the Lord for letting me witness the lives of people who are committed to accomplish the work that God has called them to do. I thank Him for my FUNNY mother, laughter shared with friends, the food trip, the little conversations, encouraging words, life’s lessons.

He is AWESOME indeed.

pride, pahinga, pagbabalik

October 12th, 2009

Kasabay nang pagbabalik ko sa opisina ngayong araw ay ang pagbabalik ko sa blog na ito. Sabi ko nga, ayaw ko itong tuluyang makalimutan, o kalimutan.

Sobrang na-miss ko ang pagsusulat. Aminado ako na kinain na ng Twitter at Facebook ang oras ko sa mga nakalipas na buwan, isabay pa ang napakaraming trabahong dapat tapusin, na hindi pa rin matapos-tapos.

Maaga akong bumangon, kahit inaantok pa. Ayaw kong ma-late dahil Lunes, tiyak ma-trapik. ‘Yun na nga, trapik sa Quezon Avenue flyover pa lang. Pero, hindi ako na-late, salamat sa Diyos.

Mga balita ng kawalan, pighati, kalungkutan, kawalan ng pag-asa ang sumalubong sa akin. Inasahan ko na ito. Kahit napapagod na akong basahin at marinig ang mga kwento, wala na akong magagawa.

Oras na ng break pero hindi pa rin ako tumayo agad sa kinauupuan para kumain. Nang sinipag na akong kumilos, bumaba na ako para kumain. Cheesy beef sandwich na naman sa 7-11. Tumambay lang ako saglit sa may guard at umalis na papuntang Ombudsman.

Pagpasok ko ng opisina, tahimik, walang mga tao. Akala ko masasayang ang pagpunta ko. Mabuti na lang at hindi. Mababait ang mga nag-asikaso sa akin kahit pa absent ang talagang kausap ko roon. Karamihan kasi sa kanila ay binaha at kasalukuyang ginagamit ang kanilang mga calamity leave para ayusin ang kanilang mga bahay na nasalanta.

Ang problema, medyo nainis lang ako nung kinailangan ko pang magpa-photocopy sa labas ng building dahil sira ang photocopier nila. Naabutan kasi ako ng ulan paglabas kahit pa may dala akong payong.

Napuno ng putik ang paa ko. Heto na naman! Na-conscious sa hitsura. Hindi pa ako nakapagsuklay o nakapaglagay ng pulbos sa mukha. Magulo na ang buhok ko, nararamdaman ko. Nabasa pa ng kaunti ang papel na dala ko. Muntik pa akong nainis sa mamang nag-photocopy, sobra kasi ang i-phinotocopy niya. Akala ko lang, dahil hindi pala. Tama lang na tig-dalawang kopya ang ipina-photocopy ko sa kanya. Windang. Hindi tiyak nakatulong ang cheesy beef sa pag-iisip.

Pagbalik ko sa opisina, sinalubong ako ng ngiti ng staff na kausap ko. Nawala ang inis ko dahil nabasa ako sa ulan.

Paglabas ko ng building, maraming nag-aabang ng taxi. Tumila na rin ang ulan. Nainis ako ulit kasi may isang empleyado na nagbabalak pa akong unahan sa pagsakay ng taxi eh samantalang ako ang mas naunang nag-aabang. Mabuti na lang at ng may huminto ng taxi sinabi niya na mauna na raw ako. Pinasalamatan ko siya kahit nainis ako ng kaunti sa kanya.

Pagbalik ko sa opisina, napag-isip-isip ko lang: tama bang mainis sa kapwa mo sa mga panahong ito? Tama bang mag-reklamo? Naalala ko ang mga paa kong naputikan. Mabuti na lang at may suot akong sandals. Paano kung wala akong suot na panyapak kagaya na lang ng mga bata sa Pangasinan na nananawagan na bigyan sila ng tsinelas dahil kasamang naanod ng baha ang mga ito?

Napag-isip-isip ko rin, sa ilang pagkakataon ngayong araw na ito, naging mayabang ako. Oo, likas na mayabang ang tao, lahat tayo may kayabangan. Gusto natin tayo ang laging tama. Naalala ko ‘yung driver ng fx taxi na nasakyan ko pauwi. Halos sigawan niya ang gasoline boy nung hindi alam kung ano ang ilalagay sa sasakyan niya – diesel ba o gasolina. Mayabang ang tono ng boses ng driver at sinabihan pa ang gasoline boy na “hindi ka kasi nakinig sa nag-train sa’yo.” Pwede naman niyang pagsabihan ng maayos at malumanay pero hindi niya iyon ginawa. Sabay alis at nagpatugtog ng malakas. Agad ko namang isinaksak ang earphones at binuksan ang iPod.

Naalala ko rin ang nabasa ko kaninang umaga. Ang sabi ng isang pulitiko, mag-aannounce raw siya ng kanyang kandidatura para sa darating na eleksyon sa tamang panahon dahil hindi na niya kailangan pang maghintay ng clamor ng tao o diktahan ng partido. Wala naman daw siyang pinatatamaan. Ows?

Nitong mga nakakaraang buwan, hindi rin ako nakakapagpahinga ng maayos. Napakaraming ginagawa. Sabi ko nga sa nanay ko, iba na talaga ang panahon ngayon, people are deprived of rest. Sobrang dami at tindi ng demands. Pero kailangan pa ring gawin.

Habang tinatahak ang kahabaan ng NLEX, nabuo ko ito sa isip ko — In times of hopelessness and restlessness, we can put our trust in a faithful God and find rest in His arms.

Sa totoo lang, pahinga ang ang kailangan ko ngayon. Physically and spiritually. Masyadong mabilis ang ikot ng mundo. Parang lagi akong naghahabol ng oras. Nagmamadali. Nagkukumahog. Pagal na pagal sa huli.

Halos maiyak ako habang pinakikinggan ang linyang ito sa kanta sa iPod – “I will live for all my days, to worship You…” No matter what, whatever it takes. Kahit pagod, pagod na pagod.

Totoo nga, this life is not about us, it’s about God. Hindi ang ginawa natin kung hindi ang ginawa Niya (at gagawin pa) ang mahalaga at higit na makapangyarihan.

I live by grace and grace alone. Ayaw ko nang magyabang dahil wala naman talaga akong ipagyayabang.

Adik sa’yo!

June 19th, 2009

Matagal-tagal na rin nung huli akong nag-blog. Paano ba naman…. Hay! Kaya kahit itong pangyayari ‘to eh naganap kagabi pa, iba-blog ko pa rin. Nyaha!

Isang nakakatuwang eksena sa fx taxi. Nakasabay kong umuwi si Kuya na cameraman sa News. Nailibre pa niya ako, akalain mo! Nakatipid ako ng P50.

Pagdating ng Balintawak, may isang magkasintahan (yeah, I love the term!) na sumakay sa likod (dun din kami nakaupo ni Kuya). Pagsakay na pagsakay pa lang nila, amoy na amoy ko na ang kalamansi. Kinutuban na ako. Tiyak siomai ang bitbit ng babae. Hindi ako nagkamali. Siomai nga!

Sa totoo lang, medyo busog naman ako dahil nung hapon ay nagpa-pizza si Ma’am, pero ewan ko ba, iba talaga ang dating ng siomai.

Binuksan na ng babae ang plastik. Bigla akong nagutom at nakaramdam ng inggit. Ni hindi ko nga tinitingnan ang babae habang kumakain siya. Hanggang sa nag-amoy siomai na ang buong fx. Tuloy pa rin ang kwentuhan namin ni Kuya.

Sa wakas, naubos na rin ang siomai. Humalimuyak naman ang hand sanitizer. Gusto ko nga sanang itanong sa babae kung anong tatak nun, ang bango eh. Hehe.

Inilabas naman ng babae ang celfone niya. Ilang segundo lang ay narinig ko na ang ilang eksena sa isang palabas sa TV. May TV pala ang celfone niya at naka-hook sa Kapuso network. Ang palabas – Adik sa’yo nina Jolens at Marvin! Natawang natuwa ako. Kapuso pala si Ate. Buti naman. Pero okay din naman kahit Kapamilya. Hahaha!

Habang pinanunuod ng babae at ng boyfriend niya ang mga eksena, panay ang ngiti nila. Tumatawa. Nagtitinginan. Nagkukulitan.

Hmm…ganun nga yata kapag in love. Hay.

Hehe. ;)

Busy?!

June 1st, 2009

Nitong mga nakakaraang araw, na-realize ko na kahit sobrang maraming ginagawa, hindi ko dapat balewalain ang mga pagkakataong makakwentuhan ang mga kaibigan. Kaya nga nung Biyernes, kahit masakit na masakit na ang ngipin kong may butas, go pa rin ako sa dinner kasama ang mga ka-choir sa tapat lang ng building. Noon kasing minsan isang Biyernes rin, hindi ako nakasama sa kanila nung nag-aya ‘yung isa.

Grabe kahit mahigit dalawang oras lang kami magkakasama, sobrang saya. Puro lokohan, asaran, hagikgikan, tawanan at s’yempre, mawawala ba ang okrayan? Hahaha! Hindi talaga maipagpapalit ang saya na dulot ng kahit maliliit na bagay kagaya nito.

Maraming activities ng choir nitong mga nakakaraang linggo ang hindi ko nasalihan kasi sobrang busy sa trabaho. Ibig sabihin, marami akong na-miss na chikahan at piktyuran!

Marami pa akong mga kaibigang matagal ko ng hindi nakakakwentuhan. Kagaya ko, busy rin sila. Mabuti na lang kahapon, nag-ayang mananghalian ‘yung isa, tuwang-tuwa ako. Sa wakas, nagka-chikahan kami ulit at kasama pa namin ‘yung isang dating ka-trabaho na paminsan-minsan ko ring nakakasabay mag-lunch.  Nakakatuwang marinig ang mga kwento ng kaibigan kong ito dahil muli kong naramdaman at nakita ang katatagan niya. Positive atttitude pa rin dapat, no matter what happens.

Sa mga susunod na araw, busy pa rin at mas titindi pa. Pero okay lang. Wish ko lang ang mga kaibigan at kakilala na matagal ko nang hindi nakikita (o kung nakikita ko man eh hanggang ‘hi’, ‘hello’ na lang o ‘di kaya’y ka-text na lang paminsan-minsan) ay makakwentuhan ko na ulit ng personal. Para naman kahit pagod, matuwa naman ako.

Ayaw kong makalimutan ang mga simpleng bagay. Sabi nga, in everything, give thanks, kahit pa gaano ka-simple o kababaw ‘yan.

Pagbabalik

May 28th, 2009

Sa wakas, nabuksan ko na ito ulit. Ahh, binubuksan ko naman ito pero ‘yun lang, ‘di naman ako nagsusulat. Ewan, dahil sa sobrang ka-busyhan, wala akong panahon at hindi ko rin ma-organisa ang utak ko.

Gusto ko lang i-share na “self-control” ang tema ko ngayong linggong ito. Kahit pa Lunes na Lunes eh tumayo ako sa bus, aircon naman pero dahil siksikan, pinagpawisan pa rin, pero walang reklamo, hindi kagaya dati. Relaxed na relaxed. Ang sarap pala ng pakiramdam.

Pagpasok, sex video scandal pa rin ang balita. Oh, yeah, what else is new? Inasahan ko na ‘to. Isang buong linggo pa ang itatagal ng chika minute. Hindi nga ako nagkamali.

Nung isang araw, nabwisit na naman ako sa isang MMDA enforcer. Medyo sarcastic kasi siya eh. Hay. Pero bigla rin namang nawala ang pagka-irita ko.

Kahit buong isang linggo ay masakit ang ngipin ko, salamat na lang talaga at hindi sumakit ang ulo ko. Himala ng mga himala! Heto ang napala ko sa pagkain ng tsokolate ng sunod-sunod na araw nung mga nakakaraang linggo. Waaaaaaaahhhh!

Mabuti na lang din umattend ako sa fellowship nung Miyerkules. Nung una, parang gusto ko na lang umuwi dahil nga sobrang sakit ng ngipin ko. Salamat at nakapakinig din ako ng inspiring words at nakasama ang mga kaibigan. Siyempre, mawawala ba ang masarap na pandesal? Na-miss ko ‘yun! Sarap pa ng palaman. Yeah, yeah, give thanks even for little things!

Huwebes: Heto na ang inaabangang Senate hearing sa Hayden cam scandal. Akalain mo, biglang naging karakter si Dr. Kho Jr. Bago pa mandin siya magisa, nabasa muna. Isang dating pulis at mayor ang umeksena. Saya-saya!

Hindi ko nga alam kung maiinis ako o matatawa ako kay Hayden. Napaka-weird niya. Nakakatawang nakakainis rin ang opening statement ni Katrina. Sino nga kaya ang nagsulat nun? Siguro nga, pareho silang biktima. Grabe, drama at comedy. Sa’n ka pa? All in the august halls of the Senate of the Philippines!

Higit na nakakatawa rito eh ang mga senador na hindi ko alam kung saan hinugot ang mga tanong, lalu na ‘yung isa. Kahit pa i-deny nila ng i-deny na in aid of publicity lang ang ginagawa nila, sa tingin ba nila may maniniwala sa kanila? Mabuti na lang at silang tatlo lang ang sumawsaw at wala ng iba pa.

Ang tanong, kailangan pa bang patulan ng Senado ang mga ganitong isyu habang unti-unti nang nadadagdagan ang kaso ng A(H1N1) sa bansa, habang may balita na maaaring makaranas na rin tayo ng recession? Sa dami ng problema, pati ba naman ito pag-aaksayahan pa ng panahon? Naman!

Mabuti na lang Biyernes na. Woohoo!

Salamat kay Lord sa isang affirmation na natanggap nung isang araw. Hindi ko ito inasahan.

Ewan pero wala lang. Sobrang natutuwa ako. Napakabuti talaga ng Diyos. Hindi Niya ako pinababayaan. Wish ko lang ngayong linggong ‘to, nakatulong ako sa iba kahit papaano. Salamat rin kasi nakita ko ang mga kaibigang nami-miss ko nang maka-chikahan o mabati man lang.

Salamat sa biyaya ni Lord, ito ang tumutulong sa akin na ayusin ang nararamdaman at mag-relax lang. Kasi, wala talagang patutunguhan kung iinit lang ng iinit ang ulo ko.

Nae-excite ako sa mga gagawin Niya sa mga susunod na araw. Ngayon nga, excited na rin akong magpunta ng Enchanted, kahit nung una eh nainis ako dahil dun na naman gagawin ang family day. Hehe.

Salamat rin at nakapagsulat na ako ulit. Ayaw ko ‘tong kalimutan, dahil dito ko lang nailalabas ang tunay na nararamdaman. Naks!

Relax lang!

Lunes

May 18th, 2009

Kay rami na namang pasahero na naghihintay ng masasakyan paluwas. Matiyaga naman akong naghintay, pero tumayo pa rin ako sa aircon bus. ‘Yun nga lang, dahil siksikan, hindi na ako nakaramdam ng lamig. Pinapaypayan ko ang sarili ko habang nakatayo dahil tumatagaktak na ang pawis ko.

Pagdating ng Balintawak, may isang matandang lalaking pabalik-balik sa kinauupuan ng dalawang matandang babae at may iniaabot. Wala siyang pakialam kung nasisiksik niya ako. Ang buong akala ko rin ay makakaupo na ako. Sa magkabilang gilid ko, may nabakante ng upuan pero hindi man lang ako pinaupo ng dalawang lalaki, nakipag-unahan pa sa akin. Kahit gusto kong magsungit, hindi ko nagawa. Pero sobrang nainis ako.

Pagdating ng West Ave., saka na ako nakaupo. Pagdating naman sa GMA, medyo trapik sa ilalim ng flyover, pero hindi pa rin ako nakaporma na bumaba. Bawal na kasi, sabi ni Bayani. Nang-aasar pa ang drayber, kapag daw bumaba kami sa maling babaan, siya naman ang malalagot sa mga enforcer ng MMDA. Isa pang pang-aasar n’yabumaba na raw ang mag-o-audition (dahil nga nasa GMA na kami). Hay. Ewan pero hindi ako natuwa sa biro niya na ‘yun.

Hindi ko alam kung bakit ako inis na inis ngayong araw na ito, samantalang mas maaga akong umalis sa bahay at mas maaga akong nakarating ng opisina.

Hay. Hay. Hay. Nanahimik muna ako at humingi ng tawad sa pagkairita. Mainit ang ulo ko kasi umaga pa lang amoy pawis na ako dahil sa paglalakad sa Edsa. Grr. Heto’t na-conscious na naman ako. Hello? Eh siyam na oras o mahigit pa yata akong mag-iistay sa opisina tapos amoy dugyot na ako umaga pa lang. Hindi yata makatarungan ‘yun!

Lumabas kami para kumain at mag-meeting sa tapat lang naman ng opisina. Naglakad na naman sa initan. Iniwan ko kasi ang payong ko dahil mabigat.

Tapos, may nabasa na naman ako. Kung alam lang niya na siya ang dahilan kung bakit nitong mga nakakaraang araw, mabigat ang kalooban ko. Kahit gusto kong mag-relax, hindi ko magawa. Tanging sa “grace” na lang ni Lord ako nananalig.

Pero sa totoo lang hirap na hirap na ako. Hindi ko kasi mapigilan ang sarili ko. Sobra. Nahihilo, nalilito na naman! Sana nga hindi totoo ang nararamdaman ko at nao-obserbahan. Baka nga “feeling” ko lang ito lahat.

Kung pwede lang pigilan. Mahirap, pero kailangan, kung hindi…Haaayy! Heto ba ang sinasabi nilang midlife crisis? Oh, no! Inaatake na nga yata ako. Yari.

Ano pa nga ba ang magagawa ko kung hindi harapin ng buong puso ang mga nangyayari at hangarin na lang na matapos na rin ito sa lalung madaling panahon.

May nabasa na naman ako nung gabi na. Talaga namang kailangan pang maulit. Nung una, dedma ako. Pero hindi ko ring napigilang sumagot. Waaahhh!!!

Ayaw ko nang sumakit na naman ang ulo ko sa kaiisip!